Thursday, June 18, 2009

Pagmumuni-muni


Sa hindi maunawaang dahilan, hindi ko pa makuha sa sarili ko ang umuwi na. Pasado alas-nuwebe na ng gabi, ngunit nandito pa rin ako, nakaupo sa damuhan sa malaking parke ng unibersidad, at pinagmamasdan ang mga kislap ng mga liwanag sa langit, kasabay ang pakikinig sa tunog ng mga insektong panggabi.

Hindi ko inaasahang magiging ganito ang takbo ng aking buhay. Sampung taon pa lamang ang nakakaraan narito ka sa lugar na ito, bilang isang mag-aaral na wala pang muwang sa mundo. Binabantayan mo pa nuon ang mga bagong kanta na ilalabas ng Backstreet Boys o kaya naman ng Spice Girls. Ang madalas mong inaatupag ay manuod ng MTV o kaya ng walang kupas na Sailor Moon. Simple lang ang buhay nuon. Sapat na ang maiwan kang mag-isa sa bahay tuwing Miyerkules at magsasayaw o magkakanta nang malaya sa inyong sala, kasabay ng malakas na pagpapatugtog sa inyong stereo. Masaya ka na sa mga ganun. Kontento. Wala nang hihingin pa.

Ngunit maraming nabago sa loob ng sampung taon. Hindi ka na ang dating totoy na inuumaga sa mga internet shop kakapatay sa mga kalaban sa Diablo o sa Warcraft. Mama ka na. Ilang taon na lamang at mawawala na sa kalendaryo ang iyong edad. May mga responsibilidad ka nang hindi na matatakasan. Nakatali ka na sa sirkulasyon ng mundo at sa pangangailangang mabuhay. At ang kasiyahang hinahanap mo ay hindi na matatagpuan sa pakikinig sa "2 Become 1" o kaya sa "Quit Playing Games." Mas malalim na ang kinakailangang tugon sa pangangailangan ng iyong puso.

Magtatagal pa sana ako sa aking pag-iisip nang makita ko na ang lumalapit na liwanag mula sa flashlight ng mga rumorondang gwardiya sa campus. Kailangan ko na umalis bago pa ako mapilitang magpaliwanag sa dahilan kung bakit ako nakatambay sa damuhang iyun. Dahil ako mismo hindi ko alam. At sa pagpara ko sa unang jeep na magdadala sa akin sa Philcoa, alam ko, ako ay muling nabalik sa realidad ng patuloy na pagdaloy ng buhay sa mundong ito...

.....

Hindi ako down ngayon o kung ano pa man. Senti lang kaunti. Nagleave kasi ako ng isang buong linggo, pero kinain na ang tatlong araw ko dahil sa pending na dokumento para sa project na katatapos pa lang namin. Syempre pakiramdam ko nasayang ang mga araw. At naisip ko rin ang mga nasayang na ilang taon na dumaan na sa buhay ko. Kaya ayun, eto, nasenti, at kinailangan ng outlet.


Pahabol: Hindi na ako nagtaka na nanalo ang Lakers. Sa Game 4 pa lang hindi na ako umasa na manalo ang Magic. Sana matuto ako magbasketball...

Isa pa: Sana manalo si Nadal sa darating na Wimbledon. Kapag hindi siya umabot sa semis at nanalo si pareng Fedz, laglag siya sa number one.


No comments:

Post a Comment