Saturday, April 4, 2009

Isang Pasimula


Outlet ng aking mga sentimyento ang paunang motibo ng blog na 'to. Mga sentimyentong hindi madaling mailalabas sa mundo. Mga sentimyentong bunga ng simula ng unti-unti kong pagkagising sa kung sino ba talaga ako. Hindi ko alam ang patutunguhan ng blog na ito, kung ito ba ay makakaapekto sa ibang tao sa mabuting paraan, kung magkakaroon ako ng maraming kaibigan dahil dito, o kung ano pa man. Ngunit umaasa ako na sa huli ay maganda ang kahihinatnan ng blog na ito.

Dalawampu't walong gulang na ako. Sa kasalukuyan hindi ako masaya sa kinatatakbuhan ng aking buhay. Ako ay nakakulong sa loob ng maraming hawla. Mga kulungang aaminin ko na ako mismo ang may gawa, ngunit tinulungan ng lipunang mabuo at mapagtibay. Patong-patong ang mga bagay na tumatabon sa kung ano ang tunay na ako.

Bata pa lang ako ay madalas na sabihin ng aking ama na papatayin niya ako kung ako ay magiging isang binabae. Hindi siya seryoso sa kanyang sinasabi, marahil ay dala lamang ito ng takot na ang panganay niyang lalaki na may dala ng kanyang pangalan ay magbibigay ng kahihiyan sa kanya sa hinaharap. Sa murang edad ay wala akong muwang sa kahulugan ng pagiging isang binabae. Kaya maaga pa lang ay nagkaroon na ako ng takot sa isang bagay na hindi ko alam ang kahulugan. At ang kinatatakutan ay naging isang katotohanan. Lumaki ako na nakakaramdam ng atraksyon sa mga kapwa ko lalaki. Ngunit sadyang malaking salita ang binabae. Lalaki ako kumilos, ngunit sadyang pino. Hindi rin ako maihahalintulad sa isteryotipikong bading na kilala ng lipunan. Nagkakagusto rin ako sa mga babae. Ngunit, sa kabila ng lahat, eto ako, napapalingon sa mga lalaki na maganda ang itsura, at nakakaramdam ng atraksyon sa mga kapwa ko lalaki.

Hindi rin nakatulong na madalas ako tuksuhin ng aking mga pinsan noong kabataan namin. Na dumating sa punto na isa sa kanila ay hiniling sa akin na siya ay aking batihin. Higit pa na sa edad ng aking pagbibinata ay nagkaroon ako ng sekwal na mga karanasan sa aming kasambahay, na tumagal rin ng ilang taon. Na nagsasabay ang pagkadarang sa masasarap na sensasyon at pagdurusa sa kamalayang marahil ay nasisira ko rin ang kanyang buhay. Na lubhang dumurog sa aking pagkatao ang kanyang pagtutulak sa akin nang siya ay nagkaroon na rin sarili niyang kamalayan. Na sa wakas ay tumanda ako na takot sa lipunan, at nabubuhay nang walang kasiguraduhan sa sarili, na naging parang papel na tinatangay ng daloy ng mundo.

Sa gitna ng napakaraming kalituhan sa kasalukuyan, hindi ako nakakaramdam ng pagkagalit. Naroon lamang ang kagustuhang mailabas ang kung ano man ang nasa loob ko, ang maipakita ang totoong ako. At, marahil sa ikasusuka ng karamihan, ang mailabas ang pagmamahal ko sa iba na hindi ko maipakita dahil sa takot. Hindi ito isang paglaladlad, hindi ko kailangang aminin ang aking sitwasyon sa iba. Ito ay pagkilala sa aking sarili sa kung sino man ako.

Marahil simula ito ng malaki at magandang pagbabago sa aking buhay. Patnubayan nawa ako ng Maykapal.

8 comments:

  1. It's so nice to finally read you here, Allan. :)

    ReplyDelete
  2. Goodluck, Allan. We are the masters of our own fate.

    Hang loose,

    Jake

    ReplyDelete
  3. Layunin ng blog na makilala ng may akda ang kanyang sarili. Maging gabay sana ang iyong mga entries upang balang araw ay makita mo ang iyong hinahanap.

    Tahimik man minsan ang mga tao, ngunit huwag kang mag-alala, marami ang nakikinig sa iyo. At sa iyong mga kuwento ay tiyak may mapupulutan silang aral mula sa iyo.

    Welcome to blogspace bro.

    ReplyDelete
  4. Ooooh, may bago na akong babasahin.

    Welcome sa blogging world. =)

    ReplyDelete
  5. Jay Vee: kaw ang kaunaunahang nagcomment sa blog ko. 'lamatz!

    T: una kita nakilala sa mundong ito. and that makes you special. :)

    Jake: attorney!!! hehe. tenks rin!

    Mugs: nay, hinay-hinay lang dyan. darating din ang umaga. raming salamatz!

    Bampirako: tenks! sana minsan ma-feature mo rin ako sa blog mo. haha!

    Mr. Scheez: 'lamat, masaya ako mag magbabasa pa pala ng mga sulat ko dito.

    ReplyDelete
  6. Welcome to the blogsphere! :-)

    siyempre buwan bago nag-comment!

    ReplyDelete